Thursday, January 1, 2015

GRADE FIVE (Identity vs. Confusion: eto siguro yung stage na sinasabi ni Erik Erikson.)

=0=Nung napunta kami ng grade five, medyo tahimik na ulet ang buhay ko. bukod sa mas homie yung room namin eh medyo naihiwalay ako sa mga pariwarang kaklase nung grade four. yung room namin eh niluma narin ng panahon. kulang nalang gawing capiz yung bintana at mag sabit ng malaking kwadro ni Emilio Aguinaldo na hand-painted, papasa na syang bahay-pari nung spanish era. mataas yung kisame at halatang matandang kahoy yung dinding at panahon pa nila balagtas yung disenyo ng halige. kinain na rin ng anay yung sahig na pinag dudusahan naming floor waxan at pakintabin tuwing uwian pag cleaners ang row namin oh sinawim palad malista sa noisy and standing. sira sira narin yung sahig at kita sa ilalim yung silong na minsan naring naka biktima kay jhong nung pag tripan syang ihulog nila adrian.

=0=Si Jhong ang kabatak ko nung grade five, kasi nga ayon sa “seat plan theory” ko, kung sinong makatabi mo sa seat plan, s’yang una mong magiging kabatak. eh mautak si miss Felias nun, adviser namin, ginawa nyang alternate yung girls sa boys para nga naman di magkasama-sama ang mga babae sa kapwa babae at lalake sa kapwa lalake para nga naman di sila mag uusap at less ang noise pollution sa klase. Eh kasu nasira yung plano nya dahil likas na madadal-dal ang nagkatabi-tabi sa row namin. buti kung dal-dalan lang, eh sa karamihan ng pagkakataon puro nagbabangayan kasi nga alternate girls and boys, syempre yung magkatabing lalake eh aawayin yung magkatabing babae sa harap nila.
gr 5Nung katabi ko si jhong, madalas naming binabasag ang umaga nila razel kapre at airene deseo. dun sa bandang likuran pa kami napad-pad, katabi ng lagayan ng walis, lata ng floor wax at panlinis ng kwarto. syempre, gaya ng inaasahan, gunugulpi nila kami pag asar-talo na sila. ganun lang naman ang buhay sa skul dati… mambuwiset ng pikon na kaklase hanggang sa batohin ka ng pencil case oh ipabugbog ka sa tatay pag uwian. masaya namang kaulayaw si jhong. Galing sa mariwasang pamilya kaya bago lahat ng uniporme, lunch box, bag, umiilaw na rubber shoes, school envelope at punong puno ng adipose tissues sa katawan. ok sana buhay ko nung sya kabonding ko sa desk kasu minsan parang boring na, tahimik at medyo nagbubuklat na ng notebook para mag aral.
Minsan sabay nagka-cram sa pag tapos ng art works sa M.S.E.P. (Musika Sining at Edukasyong Pangkalusugan) at sabay naghahabol ng assignments sa ibang subjects.. dahil ata dito kaya kami pinaghiwalay ni mam.. kasi sobrang sipag naming umatupag ng mga bagay-bagay kahit hinde pa naman yun yung subject. naitapon ako sa tabi nila archilles at yambot sa may bandang unahan. Asa likod namin si madelaine na laging parang inaaway at malungkot ang facial expression at si julie anne na pinsan ni jhong.
=0=At ayon sa “seat plan theory”, kahit na di mo gusto yung katabi mo, laging kayo yung magiging magkabatak sa huli. kasi kahit si jhong yung kasabay ko sa recess, sila yambot parin yung kadal-dalan ko pag klase. tatlo kami sa desk nila archilles. eh puno rin ng nag-uumapaw na adipose tissues yung batang yun kaya pit-pit kami sa upuan. Masaya naman silang kasama, lalo na pag walang teacher (na mas maraming beses nangyayari). nakikimigrate samin sina jorgen yung prodigal child magdrowing nung grade two kami at si carlo james na hanggang ngayon eh storya parin ng buhay ni combatron ang alam pagkwentuhan (eto ata yung year na kakampi na ni combatron si death metal at mabubuo palang si mega death. Sana naabutan mo rin ang funny comics no? hahaha). syempre nagre-wrestling parin sila russell atienza at jermaine sa harap pag nangangapitbahay pa si mam. at libre rin ang boyoyong clowns kasi all out at pro-active sa mga ganyan sila yadao at joseph tengang daga.sunny2
=0=Sikat parin nung grade five yung lecture tactic ng mga teachers na nag susulat ng mga mahahabang lektyur sa movable na black board at dadalhin nalang sa kwarto para “voaila!”.. instant activity na at may time na si mam na makipag palitan ng latest updates ng chismax sa teacher ng kabilang kwarto. Walang kupas sa ganitong gawain si mam de Guzman na HEKASI (Heograpiya Kasaysayan at Sibika) teacher namin.
kinalyo mga daliri namin at nirayuma mga puwet namin sa pagtapos ng isang milyong lektyur araw-araw. Nag kakarera pa kami ni yambot nun. para namang mas henyo at bibo kid ka pag una kang natapos sa pag kopya ng lektyur eh sisilaban mo rin naman yun sa kalan pag bakasyon na at wala nang mahanap na pamparikit (di pa ata masyadong uso gasul nun. kalang de gaas at de uleng pa inabutan ko. yung binobombahan at sinusundot pag may bara na parang sa magpi-fishbol, tsaka yung de gaas na ang tuling maupod ng mitsa at pahabaan ng pasensya ma-shoot yung takip.).
=0=Naa-alala ko rin yung napaka fulfilling at productive na class role na iniatang ni mam samin ni jhong. Tipong kulang nalang eh mag-celebrate kami after school nung mabalitang kami nga ang katangi-tanging napili…. napiling maging… TAGA-TAPON NG BASURA ng klase. “what the f…” hahaha. pero syempre bata pa kami nun. walang ibang nagjo-jogging sa mga kokote namin nun kundi ang ideya na pag lumabas ka ng room para gampanan ang iniatas na mabigat na tungkulin ng pag sasagip sa klase sa polusyon.. eh libre kang makakapag lakwatsa sa canteen para bumili ng samalamig at makiusyoso kung anu na bang latest na laruan ang nakasabit sa paninda nila kahelera ng mga pera-pera at pom-poms na tsis karls (chiz curls), at libre ka nang pumuslit para makaligtas sa recitation pag nakalimutan mong rebyuhin kung panu i-drowing yung g-cleft or kung anung katumbas na tunog ng whole-note oh kung pano ikumpas ang ikapat na sukat ng lupang hinirang… mas gugustuhin nalang nga naming mag-tapon ng basura. hahaha.

ka pakner namin mag liwaliw sina yambot at rodie na tundem naman mag tapon rin ng basura, dalawa kasi yung dambuhalang trash-containers ng klase; tig-dalawa kami sa pag buhat. ay, kina rodie pala yung dambuhalang bariles tapos samin ni jhong yung malinggit na basurahan sa ilalim ng table ni mam na minsan narin naming naiwala yung takip. Laging gulpi si yambot kay rodie kahit di hamak na maliit to sa kanya kasi minsan ginawang praktisan ng boxing yung mukha nya nung huling nag umbagan sila, natrauma siguro kaya di na nanlaban ulet. grade three palang boksingero na ang rodie. hahaha.
Nakakatawa yung tundem nila lalo na pag kinukutusan ni rodie yung isa with full emotions (na parang ang engot engot nung binabatukan at palpak na naman sa pinaguutos) at labas ang buong ngipin sa panggigigil habang hinuhubad yung gomang tsinelas at tinutuktok sa bunbunan nung isa. hahaha. parang dolphy at babalu lang. dun rin ata kami nag kabati ni rodie. Maarte kasi ko.. pag nagkagalit.. ayoko na makita yung tao. eh etong isa di rin siguro nakatiis.. nakipag ayos. kaya ayun.. sabay na ulet kami umuwi at sabay narin ata kami pumasok tuwing afternoon class. malayo sa room namin yung smokey mountain na nandun pa sa likod ng school grounds sa tabi ng rooms namin nung grade four. So apat na kaming nag sasayang ng buhay sa canteen at nagtataguan sa dambuhalang c.r. sa gilid ng room namin at nag hahanap ng tutubi sa grade four rooms habang nag tuturo ng pag didivide ng mixed numbers si mam. kaya siguro utak lugaw ako sa Arithmetic. hahaha.28930_396523674393_649739393_3835429_5824837_n
=0=Nung kapanahunan ko, isang buong araw pa ang klase sa Elementary. From 7am – 11am (morning class) tapos uuwi ng 11am-1pm para mag lunch.. tapos 1pm-4pm babalik sa school para sa afternoon class. yung mga malalayong bahay gaya nila Glenn bitangcol at peter paul punzalan eh nagbabaon, tapos kami naman nila rodie eh umuuwi… minsan nakakatamad na bumalik kaya uso nun ang absent ng half day kasi nakatamaran nang pumasok nung hapon. Minsan nakakapraning maalala yung ambiance ng skul pag maaga kong dumadating sa afternoon class at madadatnang pawisan sa pag lalaro ng sipa oh habulang parami yung mga kaklase kong sabik sa palo ng teacher.
Yung tipong naglisawan sa school ground ang lahat ng uri ng bata at lahat tipong magkakakilala. iba yung uri ng meet and greet nung elementary. walang snob. Minsan inaagahan talaga namin yung dating pag hapon para mas marami pang oras makipag langit-lupa at mas maraming mapagkwentuhan. nakaka-miss yung buhay na wala kang inaalala kundi yung coleman mo na kelangan mo nang eskobahin sa sobrang kapal ng lumot (yung kay yambot tad-tad pa ng yelo lagi para mas patok pag nagiging inuman ng bayan.), oh ng sandals ko na binabarnisan ko pa para mas mukhang bago (buti nagsurvive mga cells ko sa paa).
pag dating ng bahay pag uwian, may oras pa ko para mag babad sa t.v. at manuod ng “ang t.v.” oh ng “mojacko” (grade six), oh pag tripan yung mga pusa namin sa bakuran nung dati naming bahay, oh mangolekta ng abo dun sa malaking pugon na kalanan at isaboy sa ere (oh sa pusa) parang tipong magician lang, hanggang magdapit hapon at dumating na yung mga tao sa bahay para mag luto ng ulam, manuod ng “t.v. patrol” oh ng “home along the riles”, hanggang makatulog, gigising ng madaling araw para mag init at maligo, papasok ulet at hahanapin sa naglisawang pila yung mga kaklase mo habang may flag ceremony kasi lunes nga pala nun. babalik sa room. kakastiguhin yung cleaners pag di pa nag lilinis. tatabi sa mga seat mates mo at mag papaunahang magkwento ng napanuod kagabi. Matindi ang noise pollution nung elementary. lalo na pag holloween, kasi tad-tad ng momo stories ang mga kaklase mo na napulot pa nila sa mga dramatizations ng magandang gabi bayan oh sa pag punta nila sa puntod ng kaanak.
=0=Minsan inudyokan rin ako ni mam na sumali sa poster making contest kasi nahinuha niya na may mumunting bahid ako ng pagkamalikhain at nabudburan ng konting angking galing sa sining (nose bleed sa tagalog hahaha). Nung opisyal na ibinalita ni mam na gusto nya kong isali sa kontest eh malugod ko namang ipinaabot kay nanay yung mabuting balita na bukod sa pagtatapon ng basura eh may makabuluhang plano rin pala para sakin yung teacher namin. actually, parang wala akong gana nun.
wala parin ako ni gabuning interes sa school activities. nakulangan sa drive at motivation. pero all out rin naman si nanay sa pag bili ng oil pastel at ng life size na illustration board kahit 1/4 size lang yung pinapabili. edi sige naman ako sa pag tutunaw ng taba maidrowing at maikalat lang yung oil pastel sa malaki pa saking drowingan. Puro pang tarpaulin kasi yung mga nakapaskil sa dinding ng rooms na gawa ng mga halimaw sa art na styudyante ni mam dati, edi syempre todo sa pressure para ma-out shaddow mo yung mga nakalagay sa dinding. pero actually di ko rin naramdaman kasi wala naman ata akong paki nun kung manalo man oh hinde.
pinapunta pa ata kami nun sa library ni sir antonio kahalubilo yung ibang contestants kasama si wilmar na balediktoryan namin, para magpamalas ng galing sa pag guhit. Hinde ko na maalala kung anung kinahinatnan nung mga obra namin na isinali sa kontest. mukhang ginawa nalang atang dekorasyon sa pader ng skul, kundi man pinagdikit-dikit at ginawang kahon ng basura para mas tipid.
=0=Marami ring Regal shocker moments yung mga teachers namin pag nagmu-mutate na sa galit tuwing maingay oh may pasaway na kaklase. parang yung topak moments ni sir antonio nung gawing confetti yung mga sulating-pormal namin matapos iwasiwas sa ere sabay walk out nung mag-amok sa klase sa di malamang kadahilanan. nung binibigay na namin sa kanya ulet yung sulatin sa room nya sa library eh nakangiti na ulet parang schizophrenic lang. Si sir Diaz naman ginawang pantanggal ng stress si jermaine nung tampal-tampalin ng notebook nyang walang lamang assignment.
At si mam felias nung ihambalos nya si mark sa cabinet matapos mag ala incredible hulk sa galit (di ko na maalala kung bakit). Pero sa lahat ng teachers namin si mam dimagiba na teacher namin sa E.P.P. (Edukasyong Pantahanan at Pangkalusagan?) lang ata ang pinaka madalang na nag transform bilang mutant sa galit. gusto ko siya kasi bukod kay mam felias, mam balena at sir caparas, si mam dimagiba ang isa sa masusugid naming teacher na masipag magturo. kung natutunan namin kung panu mag parami ng mga kambing at manok sa agrikultura mula kay sir caparas, si mam dimagiba naman ang nagturo samin kung panu gawin ang iba’t ibang uri ng tahi at kung panu gawing pin cushion ang puwet ng kaklase namin. hahaha. komedyante rin to katulad ni mam olalia. parang terror sa umpisa pero nakakatuwa na sa huli. Naalala ko nung nahinto sya sa pag tuturo sa klase, napasulyap sa bintana ng room habang papabagsak nang ulan, at napapitik ng daliri sabay sabing “nakuw, yung mga sinampay ko sa bahay! damuhong ulan to!”. oh yung muwestra nya ng kung anung karayom dapat ang bilhin namin na wag raw sing laki ng karayom ng sapatos at baka itusok lang nya samin. hahaha.
=0=Nung nag asawa si mam at naging mrs. libiran na sya mula sa pagiging ms. felias, at nabuntis agad, eh nalipat kami panandalian sa seksyon one, kina mam alincastre. dun ko ulet nakasalamuha sila jerby, merghine, gunyo, sarinas, si mary jen contrata na pinatay rin nila sa pambubwiset nun, sila paolo at glenn bitangcol ata kaulayaw ko nun. isang toneladang math activities kung mag bigay si mam alincastre tuwing may lakad sya at kelangan nyang iwan ang klase. at dahil nga kakarampot lang ang pasensya ko sa Arithmetic nun, medyo loner ako nung napad-pad ako sa room nila. Parang gusto ko nalang umuwi at sabuyan ulet ng abo yung pusa namin habang sumisigaw ng kame-hame-wave para mas gawing nakaka-aliw yung araw ko.
=0=At dahil nga wala kaming adviser nun, nagsagawa kami nila yambot at rodie nang maitim na plano na mag-cutting class nung matuklasan namin yung nakasandig na puno ng mangga sa pader ng skul at mag-spark sa mga kokote namin ang bright idea na pede naming akyatin yun at gawing escape route palabas ng skul na di mapapansin ng mga bantay na tanod sa gate. At yun na nga, start na nang klase nun. wala nang naglisawang bata sa school ground, at naririnig mo nang boses ng teachers na nagtuturo sa kanya-kanyang klase.
Palihim naman kaming pumuslit papuntang likod ng grade six rooms kung saan nahihimlay yung punong tulay namin sa pagpuga nang umagang yun. kabog-dib dib naming ginapang yung katawan ng puno at kalkuladong tinantya kung makakaya naming lundagin yung pader palabas sa kabila. napangibabawan nang pagkasabik tumambling tambling sa park, mag luksong baka, at mag liwaliw sa kapitolyo ang takot naming mapatawan ng habang buhay na parusang pagsulat ng “i will never cut class again” pag nahuli. papalundag na sana si yambot palabas ng skul nun kasu nasa likod pala namin ang espiyang si glenn bitangcol. nag-ingay ang bubwit at tumakbo papunta kay mam deguzman para isiwalat ang pagpuga namin. buti good mood si mam (oh di lang nya naunawaan yung pagchuchu ni glenn dahil ang labo ring kausap nung batang yun) pinagwalis lang kami ni yambot sa harap ng opis. Sayang first cutting class experience ko pa naman yun kung di lang naunsyame pag puga namin. hahaha.
=0=Nung matatapos na yung taon nag migrate ata sa ibang probinsya sila carlo james, nag drop. nasulyapan ko rin yung pag dalaw ni go mark kina melanie lagtapon dun sa kabilang seksyon kasi nalipat rin ata siya ng private skul after nung grade three.
=0=Nung grade five rin naganap yung jubillee year kung san dumalaw ata sa pinas for the second time si pope john paul II (yung una na naka pope mobile pa siya eh nangyari nung grade three ata, kasi naalala ko pa na yun yung headline sa journal namin nun). Pinag papraktis pa kami ng sayaw nila mam venturina (na isa pang monster teacher nung elementary) habang kumakanta ng “Tell the world of his love, the greatest love the world has known, search the world for those who have walked astray and lead them home,…” , at nang … “For he so love the world, he gave us his only child, jesus Christ our savior, his most precious one, he had sent us his message of love…”  di ko na matandaan kung alin sa dalawa ang jubilee song. hahaha. dito ata sumikat si jamie rivera bilang christian artist.
=0=Nung grade five rin ata nagsimulang mag bangayan sina nanay tungkol sa third party issue ni tatay. kasag-sagan ng giyera nukleyar sa bahay, laging may concert, fight scenes, walk out moments, at pagalingan sa pag-birit lalo na pag uwian sa gabi. Magulo set-up dati. Dito rin ata nag umpisa pag gigirian nila sa pera. Although, mas papaunlad ang buhay namin dito. Nung panahon na’to ata nabili yung tricycle namin. tapos pinapasada kay tito jun hanggang sa kasag-sagan ng grade six. di ganun ka riwasa pero mas madali ang pamumuhay namin nung mga panahon na yun. laging nag susulputan sa bahay sina tito jun, oh sila tita fely kasama si tito abal oh danny, kung di man namamasko eh nakikibalita. ibang iba takbo ng buhay nun kesa ngayong wala na si tatay, may mga trabaho na kami at may pamilya na si kuya. mas tahimik ngayon pero parang may hinahanap hanap ako na nandun sa panahon na yun na di ko na maibabalik kahit pagbali-baligtarin ko man ang panahon.

-JMDC =)

No comments:

Post a Comment