Thursday, January 1, 2015

GRADE SIX (kasabay ng sablay moments sa barkada ang kasag-sagan ng 90’s era. Highlight ng elementary years ko.)

=0=At dahil nakitaan ako ni mam ng konting bahid ng pagpupunyagi sa pag aaral, inihiwalay ako sa mga topak kids at inilagay sa seksyon two kahalubilo ng mga teachers’ pets nung grade five. Pero nung naramdaman kong boring sumunod sunod sa mga trips nina jorgen at glenn b. at walang kahihinatnan ang buhay ko sa seksyon na yun, at dahil narin sa mataimtim na pambubuyo nila rodie, jhong at yambot na magkakaklase na ipinatapon sa higher section, naglakas loob akong makipag heart to heart talk kay mam sillano, ang adviser naming mukhang bull dog.

Pero dinamdam nya ang kagustuhang kong lumipat sa kabilang seksyon at akala nya eh ayaw ko sa kanya (sa bagay, tama naman sya na ayaw ko nga sa kanya) eh wag raw akong babalik sa klase nya pag di ako tinanggap ni mrs. de jesus na adviser ng kabilang seksyon. sa kabutihang palad eh tinanggap naman ako ni mam de jesus at naisalba ako sa pamamalaboy kung sakaling di nya ko pinagbigyan. Happy Reunion ang grade six. Going strong ang barkadahan namin nila rodie kaya lalong napariwara ang buhay eskwela ko. hahaha.
=0=Dito lang ata pumalya ang “Seat Plan theory” ko. kasi girl and boy ang dapat na magkatabi sa seat plan ni mam. At nakatabi ko nun si Erica flat nose. Nung una nag kakahiyaan pa, kasu nung tumagal nag babangayan at nag uubusan narin kami ng maititirang pambuwiset sa isa’t-isa. Sadista si Ericang sarat ang ilong (sana naman di nya nababasa to. hahaha) nandyang ihagis lahat ng laman ng bag ko at ikalat sa sahig, nandyang latayan ako ng ruler sa pisngi, hampasin ng notebook at gawing target range ng bol pen. pero may mga panahon rin namang magkasundo kami, tinutulungan ko sya sa pagdodrowing sa M.S.E.P. (actually, lahat ng kaklase ko nagpapadrowing, siguro kung nagpabayad ako nun nakabili na ko ng gameboy na isa sa wish list ko nung first year.), kakwentuhan kasama si jasmine comia.
Pero mas madalas yung bangayan moments. pag wala si mam, dumidiskarte kaming tumabi sa mga gusto naming tabihan. At dahil nga di namin masikmurang pambubuset ng isa’t isa, nag kuntsabahan kami na si jhong nalang oh si rodie katabi ko at si erica naman eh lilipat kina joana marie kabayo, pag wala si mam para mas sulit yung dal-dalan moments namin, pareho kasing makakatabi namin yung barkada namin. pag may activity lumilipat ako kina yambot, tapos dun kami tabi-tabi nila jhong nag uubusan ng kwento. pag may activity rin ginagawa nila kong life support para mairaos ang pagsasagot ng seat work,  wag lang pag dating sa Math kasi pare-parehong sabaw ng bulalo ang utak namin pagdating sa problem solving.
=0=Dito ko rin nalaman na nakaka-psycho nga pala talaga ang ma-bully. Nung mga panahon na yun, kung pede lang mag dala ng sako at pabigat, tapos hablutin ng palihim sa c.r. yung nambubully sayo, ipasak sa sako ng bigas, talian, lagyan ng pabigat at i-hulog sa creepy patubig sa likod ng grade four rooms, siguro mas naging matahimik buhay ko nung grade six. Hinde ko alam kung anung problema ni Adrian C. nung mga panahon na yun oh kung may saltik lang talaga siya nung grade six oh kung magka-tagay tumira ng gin bulag yung mga nanay nila ni Gruta habang ipinag-lalabor sila kaya ganun nalang kung makapam-bully.
IMG_0006Nasa harap lang namin sila ni erica kaya wala akong ligtas. ewan ko, laging mataas ang stress level ko pag sinusumpong sya ng pagka abnormal. sabi nga ni rodie lipat nalang ako sa row nila para mailayo ako kay adrian abnormality. hahaha. pero ang nakakaloko dun eh binu-bully naman sya nang tiboli na si bacque at parang maamong tupa pag si bacque nang kaharap. may pilosopiya ako na “bawal umalala ng bitter moments” kasi mas nakakatanggal ng stress balikan yung mga sablay moments ko kesa maalala yung stressful na parte ng buhay mo na di na dapat binabalikan, parang yung kapalaran sana ni adrian na sinasako, nilalagyan ng pabigat at ini-itsa sa polluted na ilog hanggang sa makalimutan kasi wala ring silbi kung maaalala mo (ang bitter ko. hahaha).
=0= Grade six ang pinaka masaya, mapulitika, at tad tad nang kwentong-barkada na bahagi ng buhay elementary ko. Para kaming mga pulutong ng itik na di mapag hiwa-hiwalay. kung san pupunta yung isa, dapat kasama lahat. kung magc-c.r. yung isa, buong grupo yung lalabas para pumunta ng banyo. kung late kumopya ng lektyur yung isa at pupunta na dapat sa kabilang room yung klase, mag papaiwan kaming lahat kundi para samahan yung naiwang miyembro ng grupo na kumopya ng lektyur eh para narin asarin ang bagal nyang kumopya.
Gan’to kami nun, parang di mapapag hiwalay. naalala ko pa kasama pa namin si joel roman nun, parang mga may saltik na magkakaakbay naglalakad sa school ground, kumakanta ng theme song ng isang anime na nakalimutan ko na (BTx ata yun), lumulundag habang mag kakaakbay, at parang may mga sariling mundo at may kanya-kanyang dalang topic ng pag kwekwentuhan.
Kapag wala pa yung teacher at matagal maghintay ng next subject.. automatic mag titipon tipon kami dun sa gilid ng box ng mga panlinis ng kwarto, uupo sa sahig, at mag kwekwentuhan.
Masaya sana, pwera lang pag may mga nakikisaling bully kagaya nila jervy s. at robert g. na di naman invited sa kwentuhan session pero uupo dun para lang bit-bitin ka sa polo at ipakitang mas malaking bata sya kesa sayo, tolerable naman yung naipong hangin sa kokote ni jervy, ang di lang talaga kinakaya ng pasensya ko eh ang psychotic episodes ni adrian. kasi tipong labas dila pang nanununtok at tipong inaaatake talaga ng schizophrenia pag tinopak. Minsan, bukod sa pag sisilid sa kanya sa sako, naiimagine kong suutan sya ng straight-jacket, turukan ng tranquilizer, tampal-tampalin ng sapatos, at ipatapon sa mental. Pero, sayang, di lahat ng imagination nag kakatotoo. Minsan yung iba, sapat lang para pampalubag loob mo.
=0= Magulo set up ng barkadahan namin dati. punong puno ng makukulay na awayan sessions, reconcilliations, awayan ulet, bati na ulet, hanggang sa magkahiyaan nalang at di na mag pansinan. Pag napagkasunduang sipain ka palabas ng grupo, kaaway ka na ng lahat. mapalad naman ako at di ko naranasan yun. ako lang ata ang natirang matibay. hahaha. Si joel ang pinaka unang sinawimpalad na masipa palabas ng grupo. di ko na matandaan kung bakit pero parang nagkasundo-sundo nalang na pare-pareho naming ayaw nalang bigla sa kanya kaya napag desisyunang di na namin sya papansinin kinabukasan at tatabihan pag may kwentuhan sessions.
At dahil magkapit-bahay sila ni yambot, nag karoon ng pagkakataon na nagkampihan sila at pareho silang sinipa sa barkadahan, tapos nung si rodie naman ang nasipa palabas ng grupo, sila naman ni rodie ang best of budz. Pero si jong ata ang pinaka kawawa kasi sila ni joel ang pinaka di nakabalik sa grupo. Pero maswerte parin sya kasi nakatagpo siya ng kabatak sa likod ni marving ulong gatchalian. tapos dumating rin yung panahon na kaming dalawa lang ni yambot yung magkaulayaw sa klase, eto ata yung panahong may bagyo, konti lang ang pumapasok. at dahil si Francis Yap ang katabi nya sa upuan, nakabatak rin namin si yap at sinimulang tuksuhing pantit nung pumasok na si rodie hanggang sa sila naman ang nag umbagan.
Ganun lang ang buhay nung elementary, puro basag ulo’t away bata.hahaha. Hanggang sa huli, kaming tatlo lang ata nila rodie at yambot ang natirang magkakabati sa grupo. yung ibang nasipa di na nakabalik. hahaha. hinde ko alam kung panu kami nagkakaaway away bukod sa korni mag break ng joke si jong, may pagkabully si rodie, back fighter si joel, at mahina kokote ni yambot, wala na kong maalalang pinagsimulan ng away away namin. masaya lang kasi pag di mo bati yung isa parang lagi kayong may topic sa upuan.
Pinaka kawawa nun si joel, lakas pa namang mambully ni rodie, parang di bansot kung makasigaw ng lampayatot pero ngawa nung inundayan ng sipa ni joel. Siguro isa sa pinaka dahilan kung bakit nag kakagalit galit eh yung classic na taguan pag magkakasamang lumabas ng kwarto. Na pag napag usapang pag taguan yung nahiwalay na kasama eh ang tagal bago magpahuli at magkabati-bati. Nung buhay pa yung stage, yun yung pinaka magandang hiding place namin, lalo na dun sa malaking telon na pantakip ng stage, oh kaya umaakyat sa taas para silipin kung nasan na yung pinag tataguan namin.
Minsan nakakarating sa likod ng grade five rooms, oh ng Grade four para lang di mahuli. tapos nag kukutusan pag nagkahulihan na at pawisang babalik sa room. parang laging walang klase. masarap maging grade six ulet. masarap bumalik sa pagkabata na wala ganung iniintindi at inaalalang problema sa buhay.
=0= eto rin yung panahon na sagana ako sa baon, trenta pesos ata bigay ni tatay araw-araw. mayaman ka na nun pag ganun ang baon mo. P1.50 lang ang pasahe sa jeep at limam piso lang ang macaroni sa canteen. piso ang samalamig, P1.50 ang manggang may bagoong, at walang problema sa tuition. mababa pa ang cost of living. kahit nga limam piso lang ipabaon sakin nun makakauwi parin ako samin nang walang nawawalang bahagi ng katawan.
Kumikitang kabuhayan rin yung tindahan ni tatay sa loob. kumukulimbat ako ng jelly ace, peewee, cheeze it, snaku at iba pang chitchirya at pinapamudmod kina yambot pag pasok sa skul kinabukasan. tinitimplahan ng sunny orange yung cole-man oh nilalagyan ng ice candy na tinda rin dapat ni nanay kahit tubig pa sya huhugutin ko na sa freezer malantakan lang sa skul. masaya buhay nung grade six.
=0= tad-tad rin ng lakwatsa escapades ang school year na’to. nakarating kami sa bahay ng isa’t-isa. kina joel sa menzyland nung magkakabati pa kami at dala pa nya yung bike nya at natripang tumakas sa skul ng naka-bike para umuwi sa kanila. Nagmabibo naman akong mag drive pabalik ng skul kahit first time mag bike, at ayun pareho kaming pinulot sa lupa. mabait naman si joel, sinawim palad lang talagang masipa palabas ng grupo. hahaha.
Pumunta rin sila samin minsan, nakipag utuan sa automatic naming pintuan at inubos papakin yung milo namin. nakita pa ata sila ni tatay sa park pauwi kasi kinastigo ako nung nakasalubong ko rin, bakit daw nasa kanila yung bag ko. yung bag ko pa nun eh yung improvised na bag na yari sa illustration board na pinatungan ng poster nya ng dinosour, nilagyan ng plastic cover at tinahi para maging poging poging bag. hahaha. napad-pad rin kami ng bungahan nung mag death march sa boy scout Hiking.
Napunta rin kami kina rodie pero wala ata sila sa bahay, at bumalik nalang sa skul mula short-cut sa felisisima. kina mase (Maricel B.) nung walang patumangga kaming nag video machine, uso pa nun yung video karera pero wala sa barkadang may hilig dun, lahat hayok sa street fighter, lagi kong pinipili si dalzhim na humahaba’y kamay at paa. piso-piso bawat laro. minsan pag nakatamarang lumabas ng skul ground, naghahanap nalang nang makukutaan sa loob.
Naalala ko pa yung sikretong lugar dun sa likod ng grade six at tindahan ng water baloon na inangkin na namin at ginawang home-base pag may mga sikretong pag pupulong. kasi swak na swak yung lugar para gawing hiding ground, tipong kelangan mo pang sumuong sa talahiban at walang makakapag isip na may ganung lugar pala sa likod ng lumang H.E. room.
=0= Hinde masyadong memorable yung graduation, siguro kasi hinde pa nag sisink-in sa mga kokote namin kung anu ba talagang mangyayari pag katapos ng graduation at pagkatapos umalis ng skwelahan na yun na pinag kutaan namin ng anim na taon. walang masyadong emosyon ang araw nayun. ang alam ko lang, mainit sa Bulacan Hiyas convention center, walang pameryenda ang organizer ng event, at wala sa lugar na yun ang diwa ko. matapos ko’ng umakyat sa stage, kunin ang diploma, eh wala na kong sunod na maalala. ah, merun pa pala, tinangay nila ko sa walang kamatayang jolibee para lumapang ng mag spaghetti.
=0= Hinde ko na masyadong maalala kasi tipong dalawang dekada nang nakakalipas nung nangyari mga ‘to, pero masayang balikan ang grade six. Dito ko nalaman na bukod sa libro, chalk at black board, English, Math at Science, may iba pa palang mas magagandang natututunan sa pagpunta naten ng skul. Bukod sa natututo kang lumaban at maging creative sa pag-iimagine kung panu mo isusuplong yung ungas mong kaklase pag binubully ka, natutunan ko ring makisalamuha sa mga batang may iba’t ibang kalikaw ng bituka, ugali at issues sa buhay.
Nalaman kong mas masarap umupo sa sulok kasama nila at mag ubos ng ikwekwento mula sa napanuod nyo kahapun, kanya-kanya nyong problema sa kasalukuyan at mga nakalipas nyong sablay moments, kesa umupo sa silya at magsunog ng kilay at buhok sa kili-kili sa pag sosolve ng math problems ni mam Manahan na Math teacher slash espiritista ng skul.
Nalaman ko rin na di lahat ng pagkakaibigang nabubuo eh tumatagal at pang habang panahon. Masaya balikan ang Elementary. Masayang isipin na bukod sa unang bigkas mo ng A-Ba-Ka-Da, dun mo rin unang nabigkas yung mga salitang di mo alam na babago na pala ng buhay mo at dala-dala mo kahit wala ka na sa skul at gang photo album mo nalang nababalikan itsura mo nung elementary.
-JMDC =)

No comments:

Post a Comment